top of page

Musmos na Pangarap

  • Oct 24, 2015
  • 2 min read

“Ang kabataan ang pag-asa ng bayan”

Walang makakapagsabi kung ano ang kapalaran ng isang kabataan sa panahon ngayon. Kaya ang kasabihan na iyan, gasgas na sa pandinig ng tao. Sa panahon kasi natin ngayon, ang pag-asa ng bayan ay siyang nagiging sakit sa lipunan –sinisira ang kinabukasan na magiging tulay sa magandang hinaharap. Paano na lang ang mga henerasyon sa susunod na salin lahi? May pag-asa pa kaya ang mga kabataan na isakatuparan ang kanilang mga hangarin para sa ikauunlad ng lipunang kanilang ginagalawan?

Sa aking paglilibot sa kamaynilaan, natagpuan ko ang dalawang bata na nagngangalang –Rodrick at RR. Kapwa sila batang kalye. Sa sandaling oras ng aming pag-uusap, ay panandalian kong nagisnan ang kanilang munting pangarap sa buhay.

“Gusto ko maging isang abogado paglaki ko” –Rodrick

Siya’y limang taong gulang na bata –ulila sa ina at pangalawa sa tatlong magkakapatid. Ang kanyang ama ay nagtratrabaho sa isang gusaling ginagawa di-kalayuan sa Quirino Grandstand. Bibo at walang pasubali kung magkwento. Hilig niyang maglaro sa paligid ng Luneta Park at Quirino Grandstand. Kapansin-pansin ang kanyang kamuwangan sa lipunan sa kanyang batang edad. Kilala niya ang ating butihing Presidente P-noy –alam niya ang mga ginagamit ng mga adik na kabataan na solvent at may kaalaman siya sa mga isyu sa pilipinas kabilang na ang Pork Barrel at ang dakilang photo bomber sa rebulto ni Jose Rizal. Isa siyang matalino at may mataas na pangarap sa hinaharap. Ayon sakanya nang tanungin ko siya kung bakit niyang gusting maging abogado, nais niya daw maging isang tagapagtanggol ng mga naaapi parang superhero.

“Isang sundalo po.” –RR

Apat na taong gulang na bata –bunso sa dalawang magkakapatid. Sa Grandstand na daw siya mismo lumaki kasama-sama niya ang kanyang ina. Ang ama niya ay kapwa kasamahan ng tatay ni Rodrick sa Construction. Tipid ang mga salitang lumalabas sa kanyang bibig, kapansin-pansin din ang mga kislap sa kanyang mga mata sa tuwing ako’y sumisilay sa kanya habang nakikipag-usap sa kanila ni Rodrick. Nais niya maging isang alagad ng gobyerno pagkalaon ng panahon.

Ang dalawang musmos na bata ay kinakitaan ko ng mataas na hangarin balang araw. Tanda na may gusto silang marating sa kabila ng kahirapan sa buhay. Aaminin ko na humanga ako sa kanilang pag-iisip, lalo na kay Rodrick na sa batang edad niya ay mayroon na siyang kaalaman sa ginagalawan niyang bansa.

Walang katapusan ang guhit sa aking mga labi nang tanawin ko ang kanilang mga likod sa patuloy nitong paglayo. Sana’y ang mga musmos nilang pag-iisip na humuhulma sa kanilang mga musmos na pangarap ay magkatotoo. Isa sila sa mga bata na may mataas na hangarin sa buhay. At ditto, napagtanto ko, hindi pa huli ang lahat para sa bayan.

 
 
 

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

© 2023 by SMALL BRAND. Proudly created with Wix.com

bottom of page