Libreng Oras Katumbas ay Panonood ng KalyeSerye
- Mark John Dulay
- Oct 19, 2015
- 2 min read
Libreng oras, ang sarap pakinggan pero para sa akin na isang estudyante sa kolehiyo, mahirap matukoy kung kailan ka magkakaroon nito. Ang bawat araw na magdaraan ay maaaring mapuno nang sandamakmak na mga gawain. Nariyan ang mga takdang aralin, mga proyekto at mga sulatin na dapat tapusin sa tamang oras. Ang dalawang salita na iyan ay hindi madaling makuha. Kaya naman kapag natsambahan mo na, kailangan gamitin mo ito sa pinakamagandang paraan. Sa kaso ko, ginagamit ko ang aking libreng oras sa panonood ng segment ng mahigit tatlong dekada nang namamayagpag na variety show sa tanghali na Eat Bulaga, walang iba kundi ang ‘Kalyeserye’.
Sa tuwing ang mga kamay ng orasan ay tututok sa numerong 12 tuwing tanghali, itinigil ko na ang lahat ng aking pinagkakaabalahan dahil simula na ang palabas. Gaya ng sinabi ko, pinakaaabangan ko ang segment na Kalyeserye. Ngunit hindi lang naman ako ang nagaabang dito kundi pati rin ang aking buong pamilya, ang aming mga kapitbahay, ang buong Pilipnas at ang mga Pilipino sa iba’t-ibang parte ng mundo. Lahat ay nakatutok sa ‘phenomenal love team’ na AlDub. Kinabibilangan ito ng Prinsipe ng GMA Primetime na si Alden Richards at internet sensation at ‘Dubsmash Queen’ ng Pilipinas na si Maine Mendoza o mas kilala sa karakter na ginagampanan niya na si Yaya Dub. Maraming nahuhumaling sa tambalan na ito at aamin akong isa ako roon. Halos araw-araw itong laman ng mga balita sa diyaryo at telebisyon. Hindi rin mapakali ang mga netizens sa iba’t-ibang social networking sites. Sa araw-araw na umeere ang serye ay pinag-uusapan ito ng maraming tao. Nagtatalaga ang isang episode ng milyong tweets sa Twitter.
Kumakailan lamang mahigit 12 milyong tweets ang naitala ng #ALDUBTheMostAwaitedDate. Pinakamarami ito sa buong kasaysayan ng Twitter. Hindi ko maitatanggi na isa ako sa mga nag-tweet ng nasabing hashtag dahil ramdam ko talaga ang matinding kilig na hatid ng dalawa. Gaya ng marami, ramdam na ramdam ko ang AlDub fever.Isa pa sa inaabangan ko at pati rin ng lahat sa Kalyeserye ay ang mga karakter na sina Lola Nidora, Lola Tidora at Lola Tinidora na ginagampanan ng mga magagaling na komedyante na sina Wally Bayola, Paolo Ballosteros, at Jose Manalo. Lubos na nakakatanggal ng pagod ang kanilang mga ginagawang katatawanan. Tiyak na mapapagulong ka sa sahig dahil sa sobrang kakatawa.Ang KalyeSerye na segment ng Eat Bulaga ay hindi maitatangging isa ng parte ng araw-araw na pamumuhay ng maraming Pilipino gaya ko. Maliban kasi sa pinapawi nito ang nararamdaman mong pagod at stress ay naghahatid din ito ng mga makabuluhang leksyon sa mga nanonood. Isa sa natatandaan kong leksyon na tiyak ay natatandaan rin ng lahat ng mga tagasuporta at sumusubaybay ay“Ang mga bagay-bagay ay hindi minamadali, lahat ay may tamang panahon.” na binitawan ni Lola Nidora, ang karakter ni Wally Bayola sa serye.Hindi na lang natin masasabi na isa itong palabas dahil iba ang naging dulot nito sa bawat isa. Marami ang mas natutong ngumiti palagi. Marami ang mas naging inspired sa paggawa ng kanilang mga gawain. Marami ang mas naging positibo ang naging tanaw sa buhay. Napatunayan din natin na kaya nating tangkilikin at ipagmalaki ang sariling mga obra, katha at palabas saan man dako ng mundo.
Comentarios