top of page

Mabuhay Ang Bagong Kasal

  • Zha De La Cruz
  • Oct 11, 2015
  • 4 min read

Mula sa mga background music, sa ayos ng tagpuan, sa lighting, sa mga costume at maging hanggang sa mga artistang nagsipagnap ay masasabi kong napakaganda ng dula-dulaang Mabuhay ang Bagong Kasal na idinerehe ni Bely R. Igot.

Sa ayos pa lamang ng backdrop ay nakita ko na agad ito. Idagdag mo pa ang mga pandisplay na plorera, painting, chandelier at kung anu-ano pa ay talagang mararamdaman mong moderno ang tema ng dulang ito. Datapwat hindi gaanong naipakita ng setting ang resemblance nito mula sa isang totoong hotel (gaano man ito ka-cheap) ay ayos pa rin ang kinalabasan dahil kitang-kita pa rin naman kung gaano ito ka pinaghandaan ng mga tao sa likod ng prduksyon.

Bihira lamang ako ng mapanuod ng isang one act play. At dahil nga sa ito’y isang one act play, hindi maiiwasang may mga pagkakataon kung saan parang ang gulo-gulo nito. Bilang isang manunuod ay napakahirap magpokus sa tatlo o apat na pares ng mga actor at aktres na sabay-sabay umaarte sa entablado. Nakakalito tuloy at hindi ko na malaman kung saan ba talaga ako dapat na tumungin pagkat may pagkakataong nalingat lang ako sandali mula sa isang pares ay bigla na lang may mang-yayari. Ang hirap tuloy sundan ng kwento.

Gayunpaman ay hindi ko na rin iyon pinansin dahil natatabunan naman iyon ng kagalingan ng mga aktor at aktress na nagsipagganap. At isa sa mga nagustuhan ko sa dula-dulaang ito ay ang ipinapakitang representasyon ng bawat karakter na ginampanan ng mga aktor at aktres. Napansin kong bawat isang karakter ay may sinisimbolong kaugalian nating mga Pilipino. Uumpisahan ko sa dalawang room service na sina Greg at Sonia. Magkasintahan silang dalawa at nakatakda na ring ikasal ngunit palagi silang nagtatalo. Ipinapakita ni Sonia ang pagiging mapanghinala ng mga kababaihan. Na kahit hindi naman dapat pansinin ay ginawaga pa niyang big deal. Hindi maikakaila na maraming ganoong babae. Bukod doon ay ipinapakita rin ni Sonia ang likas na pagiging chismosa ng mga Pilipina. Samantalang si Greg naman ay iyong tipikal na lalaking kalmado. May mga pagkakataong naiirita rin siya kay Sonia ngunit dahil nga sa mahal niya ito ay hindi niya ito kayang tiisin.

Noong umpisa pa lang ay nakita ko na kay Justin, ang groom, ang representasyon ng pagiging andres de saya ng mga lalaki. Kahit pa sigaw-sigawan siya ng kanyang napangasawa ay hindi siya nagalit rito o gumanti man lang at sa halip ay tila siya pa ang natakot sa tindi ng galit nito. Marahil para sa iba ay ipinapakita nito ang pagiging mahina ng mga lalaki dahil tila ba walang naging sariling awtoridad si Justin. Ngunit sa isang banda ay ipinapakita rin nito kung paano dapat na minamahal ng mga lalaki ang kanilang asawa. Na dapat ay hindi nila sinasalubong ang mala-machine gun na bibig ng mga ito dahil mas magdudulot lamang ito ng hindi pagkakaunawaan.

At siyempre ay si Bea, ang bride. Siya ang pangunahing bida ng dulaan. Ipinapakita niya naman ang sophisticated side ng mga kababaihan na dapat ay laging may poise upang mas eleganteng tignan. Malaki ang naging impact ng paraan niya ng pananalita. Ikinatutuwa ko ang pagkakabigkas niya sa bawat salita ng maayos at tama. Datapwat aaminin kong sa una ay ikinakunot-noo ko ang conyo niyang pananalita pero agad ko ring binaliwala iyon dahil na rin sa moderno naman ang tema ng dulaan. Kagaya nga ng sabi ko, ipinapakita ng karakter ni Bea ang pagiging sosyalin ng mga pilipina na kung minsan ay wala na sa lugar. Kahit hindi naman pala talaga nila kaya ay pinilit niya pang maging engrande ang kaniyang kasal kung saan inasa pa nila sa ibang tao ang gastusin. Isa itong ugaling Pilipino na talaga namang kay hirap iwasan lalo na kapag ayaw mong mapahiya sa iyong mga kakilala. Bukod paroon ay napakaraming aral ang iniwan ng Mabuhay Ang Bagong Kasal sa’kin. Tulad ng mga napapakong pangako ng mga pulitiko. Lalo na ngayong nalalapit na eleksyon kung saan magbibitiw na naman sila ng mga sangkaterbang pangako pero hindi naman talaga lahat ay tutuparin nila. Ginagamit lamang nila ang mga salitang iyon upang makuha nila ang simpatya ng mga tao.

Sunod ay ang kung sino ba talaga ang dapat na gumastos sa kasal? Ang babae o ang lalaki? Marahil noong unang panahon ay ang mga lalaki ang siya talagang dapat na sumagot ng mga gastusin dahil sila naman ang kadalasang may trabaho at mas may kaya. Ngunit dahil nga sa kahirapan ng buhay ay minsan hindi na rin mapigilan ng mga babae ang hindi makihati sa usapin ng gastusin.

Ipinapakita rin nito na hindi dapat pinipilit ang isang bagay lalo na kung hindi naman talaga kaya. Kung puwede namang simplehan na lang ang kasal at ang reception ay bakit hindi na lang ganoon? Bakit kailangan pa talagang bonggahan ng todo? Totoong kalimita’y isang beses ka lang naman talaga ikakasal sa buong buhay mo pero pupwede mo pa rin naman ito gawing memorable nang hindi ka gumagastos ng sobra pa sa sobra. Natupad nga ang engrandeng dream wedding ni Bea, puro naman sila utang pagkatapos.

Ang Mabuhay Ang Bagong Kasal ay sadyang nakakaaliw at kapupulutan pa ng aral.

 
 
 

Kommentare


Featured Posts
Recent Posts
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Classic
  • Twitter Classic
  • Google Classic

© 2023 by SMALL BRAND. Proudly created with Wix.com

bottom of page